We follow a painter with such palpable passion for his craft. He has an extraordinary amount of artistry for someone who just yearns to paint or as he puts it, “Gusto ko lang talagang magpinta”. He humbly talks about his excellence in art, the simplicity in life, the radical emotions behind some of his art works and the importance of his family. Join us as Mark Andy Garcia leaves us speechless at his admirable, brazen honesty about the art industry.

 

Anong klase ka na estudyante ‘nung high school and college? Painter ka na ba talaga?

‘Nung high school and college tahimik lang ako. Nagkainteres ako sa painting ‘nung college pero nagdo-drawing na ‘ko simula pa ng elementary. ‘Nung time na yun, wala ako sa kahit konting pag-iisip na magiging profession ko siya. Gusto ko lang siya ma-enjoy. ‘Nung college ako, diyan ko nakuha ‘yung pag-aaral ko kaya nagustuhan ko na rin.

 

‘Yung family mo huge part ba ng creativity mo? Na-influence ka ba nila?

Oo, pero actually ayoko tawaging “inspiration”. Motivation. Ang “inspiration” sa mga amateurs yan. Nagtatrabaho sila kasi inspired sila. Kahit sino pwedeng sabihin yun eh. Ako, ito ang buhay ko.

 

Ano ang kahulugan ng pamilya sa iyo?

Part ko. Kasi iniisip ko, magtatrabaho ka para sa sarili ko lang? Ang boring! Kapag ang tagumpay wala kang pagaalayan, ay walang kwenta. Ngayon ko na-aappreciate ‘yung nanay ko nagaattend ng exhibit ko kasi dati di ko nararamdaman yan kasi masyado silang busy sa trabaho para makapagaral kami. Nagtatampo-tampo pa ko noon, yun pala para sa amin din yun.

 

Itong talent mo natural bang dumating yan sa iyo?

Yung interes ko siguro natural pero yung talent kasi sa tingin ko talagang binigay ng Panginoon yan kasi kung ako aasahaan ko lang sarili ko, wala ako magagawa. Hindi ako magaling. May mga blessings eh, dun ko masasabi na binigay lang.

 

Natututunan din ba ng pagiging artist?

Natututunan. Actually, wala namang ipinanganak sa mundo na alam na talaga niya ang art. Talagang pagaaralan tapos experience. Wala namang bata diyan na ipinanganak na magaling na kaagad. Sa experience niya kaya niya nalalaman ang mga bagay. Yung mga part na yun ang magseshape sa artist eh.

 

May nagsulat na mood-based ang style mo. Naga-agree ka ba dun?

Nung una hindi. Kasi hindi ko naman iniisip kung ano ipipinta ko bukas. Halimbawa, may exhibit ako parating, wala ko sinusubmit na proposal na ito ang ipipinta ko. Ang ginagawa ko niyan, nagpipinta lang ako bago dumating ang exhibit tapos hinuhugot ko yung mangyayari sa araw ko. Halimbawa, biglaan namatay ang tatay ko, dun ko kukunin. Di mo naman masasabi yan eh. Kaya ako di ako nagsusulat. Gusto ko kung ano na lang.

 

Mark Andy Garcia

“Kaya ko nga ginagawang subject yung sariling buhay ko kasi nga gusto ko makita nila kung sino talaga ko na walang tinatago, na ako talaga. Hindi ko naman iniisip kung ano iniisip sa akin ng iba. Basta nagpipinta lang ako.”

Sabi nila iba daw yung style mo dati, realism ba?

Hindi. Lahat naman realism. Siyempre masunurin ako, estudyante ako nun eh. Wala naman eskwelahan sa arts na magtuturo ng distortion, abstraction o ng surrealism. Dinadaanan pero hindi tinuturo kasi lahat ng tinuturo sa eskwelahan basic. Basic kasi ang realism. Ibig sabihin ng basic, pundasyon siya. Kailangan siya ng lahat ng artist na marunong magdrawing. Wala pa yata ako nabasa na malaking pangalan sa art industry na hindi marunong magdrawing.

 

Sa tingin mo bakit ka naging pintor?

Ewan ko. Nung simula naman hindi ko naisip kung bakit ako naging pintor. Basta gusto ko lang magpinta. Ang alam ko lang gusto ko yung arts. Sa usapin naman ng purpose, maganda yan. Very interesting yang purpose. Sa mga artists yan yung hindi narirealize ng marami. Hindi masagot ng marami kung para saan talaga ginawa nila. Sa tingin ko ang purpose ng art ko para sa sarili ko rin.

 

Paano mong gusto ma-identify as a painter?

Simple lang. Gusto ko simpleng painter lang ako. Kung ano lang talaga personality ko, kung ano nakikita ng iba, gusto ko yun talaga. Kaya ko nga ginagawang subject yung sariling buhay ko kasi nga gusto ko makita nila kung sino talaga ko na walang tinatago, na ako talaga. Hindi ko naman iniisip kung ano iniisip sa akin ng iba. Basta nagpipinta lang ako.

 

Visual journals daw ang paintings mo, kasi kung ano nararanasan mo yun ang pinipinta mo. Sa ngayon ba ganun pa rin?

Oo ganun pa rin. Kasi wala akong interes sa ibang bagay. Gusto ko talaga yung buhay ko lang.

 

Kumusta ka ngayon, Andy?

Okay, masaya. Marami na rin nagbago. Dati madrama pa ko sa buhay. Pero di ko na iniisip yun. Siyempre nagkakaproblema, pero di na ko gaya ng dati. Siyempre nalulungkot pero di na gaya ng dati na down. Kung gusto ko naman sumaya, eh di magpipinta ko. Maraming pwedeng gawin para maging positibo. Mindset, sa tingin ko. Kailangan ayusin mo pagiisip mo. Hindi lang sarili ko ang tinitingnan ko, nandyan yung mga kapatid ko.

 

Sa mga bumibili ng painting mo, tinatanong ba nila kung ano meaning ng painting mo?

Yung iba parang wala naman interes malaman yung meaning. Gusto lang nila meron sila nun kasi meron ang kaibigan nila. Actually mas naaappreciate ko yung bibili sila ng painting sa akin na wala silang pera tapos hulug-hulugan. Mas naaapreciate ko yun kasi feeling ko talaga gustung-gusto nila. Gusto ko, gusto mo rin, parang ganun.

 

Alam mo ba kung tapos na painting mo?

Alam ko. Kahit tingin ng mga tao na hindi pa tapos, ako, alam ko. Minsan may painting ako na matagal ko ginagawa. Ang kapal-kapal na ng pintura hindi ko matapos kasi mahirap talaga. Kasi mali din ako kasi hindi ko pinagisipan. Kasi ang talagang pagagawa ng art, siyempre titingnan mo subject. Kung wala ka pang subject, magiisip ka tapos lulutuin mo sa isip mo saka mo ibabato sa canvas para madali. Kasi talagang luto na bago mo ilagay sa canvas. Minsan kasi sa canvas ko kinakapa, wala akong idea. Parang naglalakad ka pero di mo alam kung saan ka pupunta tapos sa gitna palang saka ka magiisip kung saan ka talaga pupunta. Minsan successful, minsan hindi. Mahirap yun eh.

 

So dapat may idea ka muna?

Oo, dapat iniisip. Kasi kapag di mo iniisip, nakakatawa. Kapag hindi ko gusto pinipinturahan ko na lang ulit. Sa iba siguro nilalabas pa nila yan, eexhibit pa tapos lolokohin mga tao na may kwento yan.

Ano yung pinakameaningful painting ang nagawa mo?

Meron dati pero parang binalewala lang ng nakabili. Kasi nung nag-abroad ako, naging Kristiyano ako dun sa Saudi. Tapos paguwi ko dito, nagpaint ako ng portrait ko na sa tingin ko, “ganda nito ah”, masayang-masaya ko. Parang pinaint ko yung saya ko dun bilang artist na may Diyos. Tapos sa first solo show ko yun nilabas. Nakuha ng isang collector tapos binalewala lang niya, pinagswap-swap ng kung anu-ano. Nung simula medyo nasasaktan ako eh. Isipin mo ganun kahalaga sa akin yun tapos sa ibang tao ganun lang. Pero kung isipin ko ngayon ganun siguro talaga.

 

Sa industry ninyo?

Hindi, sa lahat ng tao.  Ganyan talaga ang mundo.

 

Anong art work yun?

Ang title nun ay “Self-portrait with a Two-edged Sword”.

 

Pero wala kang tinatabing painting?

Merong mga nakatago. Hindi ko binebenta. Meron ako dun yung subject na tatay ko na nasa deathbed. Sinali ko sa Philip Morris yan tapos nanalo. Dun kasi kapag nanalo ka sa iyo pa rin ang painting, pwede nila bilhin pero hindi ko ibinenta kasi hindi naman ako nagugutom. Wala pa naman akong karanasan na nagpinta ako tapos wala akong ulam. OA naman yun. May iba ganun eh, “I’m a starving artist.” Tamad ka kasi, di ba? Meron time dati na wala akong kinikita pero nung time na yun, masustansiya pa din naman kinakain ko. Nangunguha ko ng malunggay sa kapitbahay. Tapos, halimbawa, meron akong 10 pesos, bibili ko ng tokwa at pechay. Hindi ako nagugutom. Kalokohan yun.

 

Ngayon ano na kinakain mo?

Nagluluto ako. Marunong kaya ko magluto. Ang galing ko kaya magluto!

 

Mark Andy Garcia

“Yung mga lumang painting ko nanakikitaan ng mga dark, mga radical na emotions, pinipilit kong balikan yun gamit ang bagong painting ko ngayon para masaayos.”

 
Ngayon, ano yung latest art works mo?

Itong mga bago nakaconnect pa din sa lumang paintings ko. Yung mga lumang painting ko na nakikitaan ng mga dark, mga radical na emotions, pinipilit kong balikan yun gamit ang bagong painting ko ngayon para masaayos. Meron akong painting dati na hard core, ang dilim eh. Kinukuha ko ngayon ulit tapos aayusin ko na. Iba yung treatment pero parehong subject ulit.

 

Mas may tapal ng colors?

Hindi, ang painting kasi parang communication, parang pananalita. Pwedeng ganun pa rin sinasabi mo pero pwede mo ibahin ang pagkakasabi. Parang ganun.

 

Yung message mo ba importante sa iyo maiparating sa viewers?

Hindi importante sa akin yun. Wala akong pakialam kung hindi nila naintindihan yun, basta ako sa akin nakaconnect ako sa painting ko.

 

Ngayon may mga struggles ka pa ba as an artist?

Struggle sa pagiisip, minsan kasi masyado na tayo busy. Hindi kasi naiintindihan ng iba, akala nila pwede mo naman gawin ang ibang bagay sa umaga, sa gabi magpinta ka. Hindi totoo yun. Dapat painting lang kung painting. Hindi yan usapin ng oras eh. May oras kung sa may oras pero yung isip mahirap ifocus. May iba siguro nagagawa yun, pero ako hindi pa.

 

Ano gusto mong legacy maiwan sa mga tao?

Gusto ko kung ano lang yung ako talaga. Ang sa akin lang, gusto ko lang makita lahat-lahat ng ginawa ko.

 

Ano pa ang mga plano mo?

Typical lang, walang kakaiba, magpipinta. Ang totoo naman kasi, dati ang gusto ko lang talaga magpinta, pero nung nagpipinta na ko, naisip ko, kagaya din ng ibang profession, madami din yang side. Hindi lang pupwedeng pagpipinta lang alam mo. Meron yang business side. May psychological side yan kasi pipiliin at pipiliin mong magpinta ng mabibigat na subjects. Akala ba nila ganun-ganun lang? Madedepress ka kapag mahina ang loob mo. Yung pinipili kong subject pati ako naaapektuhan. Para kang nanonood ng horror, pagpikit mo hindi ka makatulog. Alam mo naman na walang multo pero parang may multo, parang ganun. marker

CREDITS

Interview & Editing- M Espeña

Videography – Cris Legaspi and M Espeña

Text – Dane Raymundo

Get out into the real world.

SHARE THIS STORY

SHARE THIS PAGE

twitter-4096-black fb_blackpinterest-png-file-0 instagram-xxl
murphy_logo   marker

Murphy Report is an independent online magazine that aims to inspire you to look up from the glare of your screens and get out into the real world.